Ang tunay na multo sa SSS veto ng Pangulo
- Jan 17, 2016
- 1 min read

PRESIDENTIABLES.PH | Sinabi ni KBL Official Presidential candidate Augusto Syjuco Jr. na nagsisinungaling si Pangulong Noyno Aquino sa pagsasabing malulugi ang SSS kung papayagan nito ang P2,000 across the board increase para sa pensioners.
Ano pa raw ang malulugi kung bangkarote na talaga ang SSS na tinawag ni Syjuco na Sobrang Sakim na Sistema ng pamahalaan ni PNoy?
Ayon sa kandidatong kilala bilang si Tito Boboy, pumiyok sa kanya ang isang SSS Investment Official na nakukunsensya na at inaming 42.2 billion pesos na ang nalulugi sa investment ng SSS. Dahil diumano ito sa kusang pinabayaang pera ng ahensya sa ilang mga kumpanya. Dalawa sa kumpanyang tinukoy ang Tel & PX na lumusaw diumano ng P12.9 billion.
Nininegosyo ang pera ng ahensya at may mga bantay na tao para hindi ito malugi. Pero dahil may sabwatan daw sa pagitan ng mga tao ng gobyerno at ilang kumpanya, hindi sila nag-withdraw ng investment kahit papalugi na nang husto ang mga kumpanya na gumagamit ng pera ng SSS.
“Kung hindi hinarang ng pangulo ang pension increase, babagsak ang SSS bago matapos ang kanyang term. Pero dahil sa veto ng pangulo, at least one year from now, saka lang mabubulgar ang pagkabangkarote. Wala na siya sa puwesto at hindi na siya ang may problema,” sabi pa ni Syjuco.
Ang larawan ay mula sa Facebook page ni Syjuco.

Comments